Ana səhifə

During the groundbreaking ceremony of the mactan-cebu international airport new passenger terminal building


Yüklə 17 Kb.
tarix25.06.2016
ölçüsü17 Kb.
PRESIDENT BENIGNO S. AQUINO III’s SPEECH

DURING THE GROUNDBREAKING CEREMONY OF THE MACTAN-CEBU INTERNATIONAL AIRPORT NEW PASSENGER TERMINAL BUILDING

Mactan Cebu International Airport (MCIA)-Terminal 1

Lapu-Lapu Airport Road, Lapu-Lapu City, Cebu

June 29, 2015
(applause) Thank you. Please sit down.
His Excellency Lalduhthlana Ralte, Ambassador of India to the Philippines; Secretary Mar Roxas; Secretary Mon Jimenez; Governor Junjun Davide; Vice Governor Agnes Magpale; Congressman Luigi Quisumbing and Congressman Samsam Gullas; Undersecretary JunJun Lotilla; Mr. Mike Cosiquien of Megawide; Mr. Grandhi Mallikarjuna Rao—I’ll do better in the next project (laughter); Mr. Srinivas Bommidala; Mr. Manuel Ferrer; Mayor Paz Radaza; Mayor Jonas Cortes; Engr. Nigel Villarete; other local government officials in the province of Cebu; stakeholders and officials and staff of the GMR Megawide Cebu Airport Corporation in the Mactan-Cebu International Airport Authority; fellow workers in government; honoured guests; mga minamahal ko pong kababayan: Magandang hapon po sa inyong lahat.
Pinakain ho kami ng tanghalian ni Governor Davide kanina at sabi ko: Junjun pag panahon na nagretiro tayo, may naisip akong papasukan nating hanapbuhay. Sabi niya, "magtayo tayo ng restaurant." Sabi niya, "sige ho, ano hong pangalan,” kanya. Sa palagay ko ang pinakamaganda diyan ay Sogbu sa Sugbo. Sogbu sa mga hindi natawa, hindi ko kayo ka-batch. (laughter) Binabaliktad lang ho yung busog. Sogbu sa Sugbo. Yung appetizer ho, pag wala pa kayong order, chicharon kaagad, galing sa Carcar pero healthy ho yung amin. Si Luigi kasi, nakita ko kaya naisip ko po yun. (laughter) Luigi bagong kasal, mukhang masayang-masaya ka, beatific smile raw at saka parang nag-slim ka yata ah. Sige, anyway.
Ngayong araw po ang eksaktong, eksakto-sakto po, ika-limang taon ko po sa puwesto bilang pangulo; isang taon na lang, eksakto rin, ang natitira sa ating termino. Sa nalalabing panahon pong ito, talagang ibinubuhos natin ang ating lakas para masagad ang hatid nating pagbabago sa bansa. Ang tanging hangad ko po: Pagkababa sa puwesto, makalingon sa ating nagawa, at masabing di hamak na mas maganda na ang ating iniwan kaysa sa ating dinatnan.
Ngayon po, nagtitipon tayo para ipagdiwang ang isa na namang positibong pagbabago para sa Cebu, at sa kalakhang bansa—ang simula ng pagpapatayo ng New Passenger Terminal Building, kasama na ang iba pang pagpapaunlad ng Mactan-Cebu International Airport. Suma-tutal, tinataya po na nasa 17.5 billion pesos po ang halaga ng proyektong ito, na inaasahan nating makumpleto sa Hunyo ng 2019. Palagay ko, itse-check ko ulit yung figure na yun, parang mukhang kulang ng konti. Ano po bang pagpapaunlad ang ilalatag natin sa paliparang ito?
Una ho, ipapatayo dito ang dagdag na 20 aircraft parking stands na may kanya-kanyang aerobridge, 13 bus parking stands para sa mga sasakyang naghahatid-sundo sa mga pasahero, mahigit sa 550 private vehicle parking stands.
Pangalawa, itatayo ang isang link-bridge na kokonekta sa domestic at international terminals.
Pangatlo, dadagdagan natin ang domestic and international flight check-in counters ng 100 counter: mula sa kasalukuyang 49 patungong 149 na counters. Resulta po nito: Lalawak ang espasyo, bibilis ang daloy ng operasyon sa airport; at maiiwasan na ang sakit ng ulong dulot ng delayed flights. Dahil sa mga ito, inaasahan nating tataas ang annual passenger capacity ng paliparan, o ang bilang ng mga naa-accommodate nitong pasahero kada taon— mula sa kasalukuyang 4.5 million, patungong 15 million. Lahat po ng ito, bahagi ng layunin nating gawing mas de-kalidad, hindi lang ang mismo ninyong pasilidad, kundi pati na rin ang inyong kalakhang serbisyo para sa mga pasahero.
Lagi po nating binabanggit: Sa tuwid na daan, ang hangad natin, inclusive growth. Ibig-sabihin po nito, isinusulong natin ang pag-angat, hindi ng iilan, kundi ng lahat. Isa po ang turismo sa mga sektor na tumutulong sa ating makamit ito at sa lalong madaling panahon. Isipin po ninyo: Sa bawat isang turistang dumarating, tinatayang may pumapasok na mahigit 1,000 dolyar sa ating ekonomiya. Tinatawag nga pong low-lying fruit ang turismo, dahil hindi ka man kargado ng kaliwa’t kanang diploma, puwede ka nang makibahagi agad sa mga oportunidad na nalilikha ng sektor na ito. Kapag po may turista, siyempre may hotel silang tutuluyan, may restaurant na kakainan, may bibilhang souvenir shop; isama pa ang kakailanganin nilang serbisyo ng mga drivers at tour guides. Ang punto po: Sa turismo, nakakalikha tayo ng maraming trabaho, hindi bukas makalawa, kundi sabi nga ng kapatid ko, “now na.”
Sa pagpapaunlad nga po ng inyong airport, talagang namumuhunan tayo para sa kinabukasan. Paparamihin natin ang flights at pasaherong kayang i-accommodate ng paliparan; gagawin nating mas maginhawa ang karanasan ng mga biyahero dito. Bunsod nito, mapaparami natin ang turistang bibisita sa inyo. At pag-uwi naman ng mga turista sa kani-kanilang mga lugar, ikukuwento nila—hindi ang karanasan nilang naging pahirapan—kundi ang maayos at masigla nilang biyahe sa inyong lalawigan. Resulta: Dadami ang mahihikayat na tumungo rito, na muli namang magdudulot ng mga oportunidad, at siyang magpapatuloy sa siklo ng pag-asenso.
Nais ko pong magpasalamat sa bawat indibidwal at organisasyong nagkaisa para marating natin ang araw na ito. Sa DOTC at DOT, sa pagtitimon nina Secretray Jun Abaya at Secretary Mon Jimenez; sa lokal na pamahalaan ng Cebu, sa pamumuno ni Governor Junjun Davide, na talaga namang alam nating may pinagmanahan; at siyempre po, sa bumubuo ng GMR Megawide Cebu Airport Corporation (GMCAC), sa pangunguna ni Ginoong Manuel Louie Ferrer. Nagpapasalamat din po tayo sa lahat ng nakilahok sa bidding para sa proyektong ito. Alam po nating sa bidding, siyempre may nananalo, at mayrong matatalo. Sa mga hindi po pinalad manalo, sana ho, imbes na mabawasan ang interes ninyong makilahok sa iba pa nating mga proyekto ay lalo pang lumakas ang inyong ganang sumali sa mga susunod pang mga proyektong sa ating PPP program.
Tunay pong sagisag ang araw na ito sa tagumpay na dulot ng pagkakapit-kamay; patunay din ito sa napipitas na nating bunga sa ilalim ng ating Public-Private Partnerships. Isipin po ninyo: Sa nakaraang tatlong administrasyon, anim na solicited PPP projects lamang ang nai-award sa pribadong sektor; ngayon po, mula Disyembre ng 2011 hanggang Hunyo ng 2015, umabot na sa 10 solicited PPP projects ang nai-award na natin, na nagkakahalagang 189 na bilyong piso. Bukod pa rito, may 12 proyekto pa tayong nasa bidding na; at 30 naman ang nakapila pa. Mahigit 50 PPP projects po ito na nagkakahalagang tinatayang 1.11 trillion pesos, sa ilalim ng ating administrasyon.
Ipaalala ko din lang po: Noon, hindi makaakit ang Pilipinas ng mga mamumuhunan sa atin. Halimbawa po, sa kontrata para sa MRT 3 sa Luzon, para lang ganahan ang mga kompanya, gobyerno pa mismo ang nanliligaw at nag-aalok ng iba’t-ibang insentibo. Nariyan po ang pagbibigay ng 15 porsiyentong fixed and guaranteed rate of return o ang pagbibigay sa kanila ng siguradong kita—anumang kakulangan sa dapat kitain ng kompanya, kailangan sagutin ng gobyerno. Meron ding foreign exchange guarantee, kung saan protektado sila sa anumang pagtaas at pagbaba ng piso; pati kaliwa’t kanang buwis, obligado ring bayaran ng gobyerno, tulad ng corporate income tax, withholding tax, business tax, at iba pang local taxes. Sa ganitong sistema, para bang ang mga kompanyang hinihikayat noon ng pamahalaan, basta lang sumagot ng matamis na “oo” sa proyekto, tiyak na ang kanilang kita; wala nang paraan para malugi sila.
Sa atin pong administrasyon, ibang-iba na talaga ang istorya pagdating sa sektor ng PPP: wala nang mga paluging transaksyon; gobyerno ang nililigawan para makuha ang pribilehiyong itayo ang imprastrukturang kailangan ng Pilipino. Ang malaking pagkakaiba po: Dahil sa mas makatuwiran nating pagpepresyo, katambal pa ng ating transparency initiatives, buo na ang tiwala ng mga kompanya ngayon sa gobyerno; mataas ang kumpiyansa nilang sa pakikituwang sa atin, siguradong kikita ang kanilang kompanya. Ano hong epekto nito? Ngayon, naipapatayo na natin ang mga kailangang imprastruktura, nabibigyan pa tayo ng karagdagang pondo para sa iba’t ibang proyekto’t programa. Halimbawa po: Para sa Daang Hari-SLEX Link Road Project, ang unang PPP sa ating administrasyon, nakatanggap ang gobyerno ng 518.48 milyong piso na tinatawag na premium. Sa NAIA Expressway Project 2 naman, ang nakuha natin: 11 bilyong piso. Pataas po nang pataas ang mga premium na natatanggap natin. Dito po sa Mactan-Cebu International Airport New Passenger Terminal Building Project, ang premium na ibinigay sa atin: 14.4 billion pesos. Lahat po ng pondong iyan, diretso sa kaban ng bayan, at magagamit sa iba pang proyekto para sa mamamayan. Win-win situation para sa pampubliko at pribadong sektor, di po ba?
Alam ho niyo, bago ako magpatuloy, nabanggit lang sa akin kanina, meron na ho yatang nagsasabing 14 na bilyong pisong yan, ay gagamitin ng Liberal Party para sa eleksyon sa susunod na taon. So, alam ho niyo, talagang nakakainsulto yun, dahil unang-una, ano, meron ho ba tayong kilalang magnanakaw na sasabihin niya kung anong nanakawin niya bago niya nakawin? At pagkatapos nun, di ba, bibigyan… tukuyin po niyo, ang aming nanakawin at sana magtatagumpay pa rin kami. So magnanakaw na raw ho yung partido namin, tanga pa. Sobra namang insulto ho yata talaga yata yun, pero ganun talaga ang buhay, lulunukin ko na lang ho, at sana basahin mo kung papano ang proseso para makita mo, ito po ay didiretso sa National Treasury kung saan ang Kongreso lang ang may karapatang magsabi saan puwede dalhin ang pondo. So by that time ho, na nagdesisyon ang Kongreso siguro dun, matagal ng tapos ang halalan kaya kung itong nagsalitang 'to na binalita sa akin, wala kang kausap, kakausapin ko po si Secretary Dinky Soliman na tulungan ka ng Social Welfare na ihanap ka ng kausap.
Isang taon na lang po ang natitira sa mandatong ipinagkaloob ninyo sa aking manungkulan bilang Pangulo. Taos-puso po akong nagpapasalamat sa minamahal nating mga Cebuano; sa inyo pong pag-aaruga sa aming pamilya— mula sa aking ama, sa aking ina, hanggang sa akin po. Ako po'y dalawang beses pong lumapit sa inyo—nang tumakbo akong Pangulo 2010, nitong 2013 para sa ating mga kasamahan sa Team Pinoy, at ako rin ho nung 2007, nung ako po'y tumakbo bilang senador at talaga naman pong ipinadama ninyo ang inyong mainit na suporta. Muli, maraming salamat po sa patuloy ninyong pagtitiwala.
Alam naman po ninyo kung gaano kahirap ang trabaho kong ito. Saksi kayo sa lahat ng panlalait, pang-aalipusta sa akin. Bawat galaw ko, pinupuna; gaano man kalaki ang magawang tama, hahanapin pa rin nila ng pinakamaliit na mali, kadalasan, para lang magpapogi at mamulitika. Pero kapag nakikita kong naisasakongkreto na ang mga inaasam-asam natin; kapag nakikita ko ang mga positibong bunga ng inilalatag nating pagbabago; kapag nakikita ko ang sigla sa mukha ng ating mga kababayan dulot ng naihatid nating benepisyo— talagang masasabi ko po: Sulit ang bawat pagod at hirap, sulit kahit anong panlalait at paninira, sulit ang paglilingkod na ito sa sambayanang Pilipino. Oras nga pong tawagin na tayo ng Panginoon, taas-noo ko pong masasabi: talagang malayong-malayo na rin ang ating narating.
Ididiin ko po: Simula pa lang ito ng pagpapakitang-gilas ng Pilipinas at ng sambayanang Pilipino. Hindi sa akin nagtatapos ang tuwid na daan. Naglalatag tayo ng reporma ngayon, at tiwala akong kayo, ang ating mga Boss, ang patuloy na magkukumpas sa Daang Matuwid; kayo ang magtitimon nito sa tamang direksyon; kayo ang magpapaarangkada nito tungo sa katuparan ng pinakamatatayog nating mithiin. 
Hindi po akong magsasawang sabihin: Talagang isang pribilehiyo ang maglingkod sa lahing tumatayo sa bawat pagkadapa at talaga namang hindi nagpapadaig sa anumang pagsubok. Isang karangalan ang maging pinuno ng sambayanang Pilipino.
Magandang hapon po. Maraming salamat sa inyong lahat. (applause)
* * *



Verilənlər bazası müəlliflik hüququ ilə müdafiə olunur ©atelim.com 2016
rəhbərliyinə müraciət